old age.jpg

Nais kong maging hangin.

Hanging dalisay, mabini at mararamdaman mo sa lahat ng dako.

Hanging tahimik na humahaplos sa iyong buhok

at masuyong binabakas ang tabas ng iyong mukha.

Kapag akoý naging hangin, buong ingat akong papasok sa siwang ng iyong puso

pagdidikitin ko ang iyong pagkabasag,

bubuoin ko ang iyong pagkadurog

magpapatangay ako sa alon

makikiusap ako sa langit

na sana kahit minsan akoý maging usok

para makita at maamoy mo ang aking paglalambing

Pero,

Hindi ko mamanipula ang hangin;

Hindi ako kaaya-aya o tuluy-tuloy.

Ako na ginawang laman at buto ng Amang may Likha, tumangis upang muling likhain ang sarili ko.

para kahit nasaan ka, akoý tahimik na gumagabay sa iyo

Hindi na mahalaga kung gaano ko ito ka gusto

Hindi na makabuluhan kung gaano kong pinangarap at pinahalagahan na maging tayo

Kumukubli sa mga agos ng luha ko ang sutil kong laman na ayaw magparaya

Na binawalang magsalita ang aking dila

Dahil nasabi ko na ang dapat kong sabihin

Narinig mo na ang dapat mong marinig.

Pero

Sana ako ay naging hangin

upang malaya kong maiparamdam ang aking damdamin

Sana masaksihan mo ang kapanganakan nito

Ang gawang hinulma sa salita ng pag-ibig.

Alam ko, naiintindihan kong dapat na kitang palayain

Siguro kong may isang bagay na mali sa akin,

Hindi ang pagiging isip bata ko

Mali lang talaga ang magmahal nang labis

Na kahit ako ay di maarok ang lalim o ang maapoy nitong anyo.

Tayo.

Ikaw at ako

ay parang palaisipan na may kalahati ng mga pirasong nawawala,

na itinapon sa kung saang dako at ngayon

ako na lang ang nagpasyang maghanap sa mga labi.

Maaring ang piraso mo ay naglalakbay sa himpapawid

at kahit na sa pamamagitan ng ilang mga himala ang pirasong iyon ay aking makita

Ang pagmamahal na dating toto at dalisay ay wala na.

@rabpedroso

Advertisements